Month: May 2015

Chocolates

20150921_142705.jpgMatamis. Nakakaaddict. Sa nagmamahalan, ito ay mahalaga sa panunuyo ng minamahal, sa nililigawan at pwede rin sa kinaalitan at nagtatampong kaibigan. Sa isang musmos na wala pang muwang, maaring ito ay maituturing niyang kayamanan. Kina lolo at lola, ito ay minatamis at pwedeng panghimagas lang. Affordable sa may pera, bagamat matamis maaring balewala lang. Pero, sa isang OFW mas may malalim itong kahulugan.

Chocolate. Ang kataga ni inang noong siya ay nagpaalam. Sabi niya, “anak, kung nandoon na ako, bibilhan kita ng maraming chocolate.”

Tuwang-tuwa ang bata. Sagot niya, “Talaga, Inang? Bibilhan mo ako ng maraming chocolate? Yong maraming-marami? Yong million-million? Yong truck-truck na chocolate?” Namimilog ang kaniyang mga mata sa hindi maipaliwanag na excitement. Tumango lang si Inang.

Nakatulog ang bata na may ngiti sa labi. Ngayon pa lang, excited na siya para sa hinaharap. Makakatikim na rin siya ng maraming chocolate. Samantala, si Inang bagamat nakangiti, ay lihim na lumuluha. Sa umagang iyon, siya ay lilisan. Iiwanan ang mga anak na musmos at wala pang muwang. Lalayo siya papunta sa malayong lugar para arugain at alagaan ang anak ng iba at iiwanan ang kaniya para lang sa buhay na maginhawa.

Noong nandoon na si, Inang, pangako niya ay di kinalimutan. Bagamat malungkot at mahirap, siya ay nagpakatatag. Dama niya ang di maipaliwanag na kalungkutan at pangungulila sa kaniyang iniwanan. Yong pagdududa na may iba na si Amang ay kaniyang pilit nilabanan. Walang maidudulot na maganda kung katapatan ni Ama ay kaniyang pag-alinlangan. Tiwala. Sandamamak na tiwala ang baon niya noon siya ay umalis at iyon din ang dadalhin niya sa kaniyang pagbabalik. Lagi siyang nagtatanong, kung kumusta na ang anak na iniwanan. Lumipas ang araw, ang linggo, buwan hanggang sa aabot na pala ang isang taon. Isang taon, na sulat lang ang tanging paraan para maibsan ang kalungkutan at pighating kaniyang pinagdadaanan.  Lingo-lingo ay nagpapadala siya ng sulat. Batid niyang aabutin iyon ng ilang linggo o maaring isang buwan bago matanggap ng pamilyang umaasam sa kwento na  kaniyang ilalahad. Lilipas ang mga linggo at buwan, kung papalarin si Inang, ngayon pa lang siya makakatanggap ng balita galing sa pamilyang naiwan sa Pinas.

Birthday ni Anak, noong isang buwan. Gusto niyang mag-long distance call para makabati man lang. Pero napagtanto niyang mahirap. Mahirap kasi luluwas pa ang kaniyang mag-ama sa bayan. Mahirap kasi aabutin na sila ng dapit-hapon sa daan para siya makausap lang. Ang ginawa ni Inang, bumili siya ng birthday card. Yong birthday card na kumakanta kung iyong bubuksan. Pinili ni Inang iyon, para ipadama sa Anak na bagamat nasa malayo siya, parang siya na rin ang kumakanta ng ‘Happy birthday to you…, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you……..Pagsapit ng pasko, ng bagong taon, singing cards lang ang naging paraan para ipadama ang pagbati ng isang inang nagsasakripisyo at nagmamahal.

Minsan, humiling si Anak. Sabi niya, “Inang, gusto kong marinig ang boses mo. Miss na kita, Inang. Baka di ko na makilala ang boses mo sa tagal mo nang nawalay.” Naantig ang damdamin ni Inang. Umisip siya ng paraan. Naalala niya si Aling Badang. Oo. Tama si Aling Badang. Nasabi ni Inciang na bumili siya ng Cassette tape para marinig ni Aling Badang ang boses ni Insiang. Kasi di marunong bumasa si Aling Badang kaya ipinaparinig n lang ni Insiang ang mensahe niya kay Aling Badang sa pammagitan ng Minus One.

Iyon nga naisip ni Inang na paraan. Para mapagbigyan ang Kahilingan ni Anak. Bumili siya ng Cassette at isang tape at ni-record ang kaniyang mensahe kay Amang, sa Anak, kay impo at inko, sa kapit-bahay, kay ninong at ninang, kina tiyo at tiya, sa aking mga pinsan, sa lahat ng kaniyang naalala na halos tumagal din ng isang oras.  Agad ipinadala ni Inang Iyon sa amin sa Pinas. Ibinalot  sa brown envelope na may tatak air mail. May return address at patutunguhan. Sa ibabang bahagi ay ganito ang nakaulat, “voice tape. Pakiusap huwag niyo sanang nakawin at buksan.”

Nakausap ni Inang si Aling Inciang. Sabi ni Aling Inciang, magpapadala daw siya ng balik-bayan box para kay Aling Badang. Nagmadali si Inang. Nilikom niya ang mga produktong inipon niya nitong nakaraang buwan. Kasama doon ang ilang pakete ng chokolate ang ilang lilibong pera. Ipinadala rin niya ang bagong biling cassette tape. Nakiusap siya kay Aling Inciang na makihati na lang sa babayaran sa pagpapadala ng balik-bayan box. Mahirap kasi kung si magpapadala ng sarili si Inang. Mahirap punuin at mahirap din ang gastos.

Noong dumating ang balik-bayan box ako ay tuwang-tuwa. Agad kung binuksan ang chocolate na padala ni Inang. Agad akong naligo gamit ang sabon at shampoo na kasama sa balik-bayan box. Nag-tooth brush at nilasahan ang imported na toothpaste. Isinuot ko ang bagong purontong at damit na padala din ni Inang. Nakita kong lumuluha si Amang. Yakap-yakap niya ang picture ni Inang na di ko napansin na nandoon din sa Balik-bayan box. Hindi alintana ni Amang ang masasarap na chokolate, de lata at t-shirt na ibinigay ni Inang. Hindi ko siya pinansin. Agad kong dinampot ang mga chokolate at lumubas. Ipinagmalaki ko sa aking mga kalaro na marami akong chocolate. Tinupag ni Inang ang kaniyang pangako. Binigyan ko rin ang aking mga ka-eskwela at guro. Basta. Masaya ako. Masaya ako, oo. Pero nangungulila ako kay Inang.

Dumami na rin ang naging kaibigan ni Inang. Nakakilala siya ng ilang kababayan niya. Nalaman niya rin na may ilang istasyon ng radyo kung saan pwede silang tumawag sa announcer at bumati, manawaganat mangumuzta. Laging naka-tune-in si Amang. Nakikita ko ang malimit niyang pag-ngiti tuwing naririnig niya si Inang sa Ere. Suki na kasi si Inang sa Estasyong iyon at iyon ang palaging inaabangan ni Amang. Pero kalakip ang mga ngiting iyon ni Amang ay nababanaag ang kalungkutan at pangngulila. Minsan, nakikita ko ang palihim niyang pagtagis tuwing pinagmamasadan niya ang larawan ni Inang na naka-kwadrado.

Lumipas pa ang ilang buwan. Matapos ng napakahabang dalawang taon, umuwi din si Inang. Sinalubong siya ni Amang sa Maynila. Siyempre tuwang-tuwa ako. Dahil sa kahirapan ng buhay, nagpabalik-balik si Inang sa abroad. Naiwan ako sa kalinga at patnubay ni Amang. Unti-unti na ring nagbabago ang teknolohiya. Naging mas mabilis na ang pakikipag-usap kay Inang kasi naglipana na rin ang long-distance telephone booth sa bayan. Hindi na lang bangko ang paraan para makapagpadala ng pera si Inang. Kung mabilisang pakikipag-usap, ay nasolusyonan na rin sa kadalasang pag-tetelegrama. Lumipas ang dalawang, dekada. Ako’y magtatapos na sa kolehiyo. Sa wakas, nagbunga rin ang pagsasakripisyo nina Amang at Inang. Sa musmos kong gulang noon, hindi ko masasabi na sapat ang naging pagkalinga ni Inang sa akin. Nag-binata ako na bukod tanging si Amang lang ang kasama. Hindi alam ni Inang ang damdamin ko noong una akong nabigo sa pag-ibig bagamat ikinukuwento ko sa kaniya iyon. Nagpadala rin ako ng picture ng first love ko. At masasabi kong iba pa rin ang lumaki sa kalinga ng isang ina. Pero hindi ako nagdamdam. Hindi ako nagtampo at naghanap kay Inang. Kasi, naipaliwanag ng mabuti ni Amang sa akin kung bakit kailangang umalis si Inang. Dahil nasaksihan ko kay Amang ang isang asawa na punong-puno ng paninindigan sa buhay. Isang lalaking nagmamahal ng wakas sa kabiyak na milya-milya ang layo sa kaniya. At lahat ng iyon, naiintindihan ko ang sakripisyo nila at psgmamahal kaya minabuti kong mag-aral  at makatapos para hindi na aalis pang muli si Amang. Unti-unti, kaya ko na ring bumili ng chocolate. Bagamat di imported, ay chocolate pa rin.

Hindi ko hinangad na ang kataga ni Inang sa akin, ay magagamit ko rin kay Junior. Sabi ko, “Anak, aalis si Papa. Maghahanapbuhay ako doon, para sa kinabukasan mo. Aalagaan mo si Mama, ha. Pangako, pagbalik ko, uuwian kita ng maraming chocolate.”

“Bakit ka aalis, Papa? Di ba work ka naman na dito? Bakit mo kami iiwanan ni Mama?”

Gusto kong mangiti sa naging sagot mo. Kung noon, sa chocolate lang ay tuwang-tuwa na ako. Pero, ikaw anak ay kakaiba. Para kang matanda kung mag-isip. Gusto ko sisihin si Amang at Inang dahil sa mga kinukwento nila sa’yo. Na kung nakapag-aral lang sana sila noon di na kailangang umalis si Inang. Kasi mahirap ang maiwanan at mangulila.

“Para din sa inyo ni Mama ito anak.” Bagamat alam kong hindi mo ako naintindihan, tumango ka lamang.

Natuloy akong mangibangbansa.

Advertisements